Tuesday, July 28, 2015
Ang araw na sya ay dumating
...sana'y di magmaliw ang dati kong araw
nang munti pang bata sa piling ni nanay...
Sa ugoy ng duyan. Ang kantang napakarami ng pinaluha. Kahit ako, kapag naririning ko ang awit na ito sa radyo, ay hindi ko mapigilang maging emosyonal. Ewan ko ba, siguro kasi dahil kanta ito para sa isang ina.
Kung ako ang tatanungin nyo kung bakit ako naiiyak sa tuwing naririnig ko ang awit na ito, ang isasagot ko lamang ay hindi ko alam. Siguro... marahil... hindi din kasi ako naging mabuting anak sa aking ina. Alam ko, mabait naman akong tao, mapagbigay at may takot sa diyos pero hindi ko alam, minsan talaga nakakagawa at nakakapasalita tayo ng hindi maganda. Sabi nga sa isang linya sa palabas na napanood ko "I'm a good man, but not a good person" (lalaki kasi ang nagsalita ng linya na yan).
Bata pa lamang ako, ay nakagisnan ko na ang pagsagot sa magulang. Siguro ay dahil yun ang nakikita ko sa mga Tito at Tita ko, sinisigawan nila sina Lolo at Lola kung saan kami lumaki ng kapatid ko na si Neneng. Minsan nakikita ko din si Mama na sumasagot kina Lolo at Lola, kaya marahil tumatak sa isip ko na ayos lang yon, sabi nga nila "sa mata ng bata, ang malaing halimbawa ay nagiging tama".
Hanggang sa lumaki ako at nagdalaga, nakasanayan na namin ng kapatid ko na sumagot sagot ng pabalang kay Mama, kung minsan nga nasisigawan namin sya. Oo, aaminin ko, kung minsan ayoko na umuwi sa bahay namin, kasi kapag umuwi ako, imbis na makapagpahinga ako ay puro sumbong at puro problema ang naririnig ko, nakakarindi na. Pero alam ko sa sarili ko kung gaano ko kamahal si Mama, naalala ko pa yung mga sinabi ko nya sa akin na "tandaan nyo, lahat ng ginagawa nyo sa akin, gagawin din sa inyo yan ng mga anak nyo".
August 10, 2013. Araw ng linggo, maaga ako nagising... naghihintay ng oras. Ilang araw na kasi akong may hinihintay pero hindi pa din dumadating. Puro spotting lang mg dalawang linggo na din. Kung mga kababaihan ang makakabasa nito, malamang alam nyo na kung ano ang hinihintay ko. Oo, tama kayo... hindihintay ko an buwanang dalaw ko, dalawang linggo na kasi aong delayed. Ako lang ang mag isa sa bahay nun, pumasok kasi sa trabaho ang boyfriend ko, at ang mga magulang namin nasa probinsya lahat. Hindi pa nga nila alam nung mga oras na yun na nagsasama na kami ng boyfriend ko. Dumating ang ika-7 ng umaga, umihi ako nila mid-stream daw, kaya kumuha ako ng maliit na lagayan para isahod. Sinunod ko ang nakasulat sa instruction ng pregnancy test kit na binili ko sa botika, tatlong patak daw pwede na. Ginawa ko naman, nung una medyo okay pa, bumulung pa nga ako ng "thank you Lord". Hanggang sa maya maya pa, nagkaroon ng ikalawang linya pero malabo ang ikalawa. Hindi ko alam ang gagawin ko, dahil nga mag isa lang ako ng araw na yon, dali dali ako nagpunta dun sa kalapit kwarto namin (nagrerent lang kasi kami ng room sa may Makati). Kumatok ako, at pinagbugsan naman nya ako ng pinto, at pinakita ko agad sa kanya ang PT ko sabay sabing "Ate, positive ba to?", at dali dali nyang sinabi "positive 'to Beh".
Hindi ko alam ang mararamdaman ko nun, basta ang alam ko ang biglang pumatak ang luha ko. Agad nya akong pinapasok sa kwarto nya at doon na nga ako umiyak ng umiyak. Hindi ko lubos maisip na sa edad ko 22 ay magiging ina na ako. Nang mahimasmasan na ako, nagpasya akong bumalik na sa kwarto. Wala akong ibang pinagsabihan at hinintay kong umuwi ang boyfriend ko. Gulong gulo ako nun, at alam ko na pati sya ay ganun din. Ilang araw ang nakalipas ay nagpasya kami na magpasuri sa isang ob-gyne, pinainom ako ng pampakapit kasi mahina daw ang kapit ng baby ko at nung araw na din na yun, ipina alam na din namin sa aming mga magulang ang tungkol sa pagbubuntis ko at makalipas ang tatlong buwan ikinasal kami ng boyfriend ko sa simbahan.
Nung mga oras na yun, ganap ng 6 na buwan na ang tiyan ko. Kapag nag iisa ako, minsan kinakausap ko ang sarili ko may sarili na akong pamilya at magiging isa na din akong ina. Bigla kong naalala ang mga sinabi ni Mama sa akin na gagawin din sa akin ng magiging anak ko ang mga ginawa ko sa kanya. Hindi ko mapigilang umiyak, ganito pala ang pakiramdam nun, mahirap. Totoo nga yung sinabi nya sa akin kapag pinapagalitan daw sya ng lola ko na kahit tadtarin ang kaduluduluhan ng buhok mo, hindi mo ako kayang bayaran. Tama sya, hindi malalaman ng isang anak ang hirap na naranasan ng isang ina hangga't hindi sya ang magiging ina.
Ang hirap pala kapag nandun ka na sa stage na yun. Magpapa alam ka na kasi sa mga bagay na nakasanayan mo, sa mga luho mo sa katawan, kasi sabi mga kahit kahuli hulihang subo mo, ibibigay mo pa sa anak mo. Ngayon ko naiintindihan si Mama, ngayon ko nakita ang mga hirap at sakripisyo nya para sa amin.
Sa mga makakabasa nito. Mahalin natin ang ating magulang lalo na ang ating mga ina. Kasi hindi madali maging isang ina, hindi biro ang sakripisyo at pagmamahal ang binibigay nila sa atin. At higit sa lahat, mahalin natin sila hangga't kasama pa natin sila, iparamdam natin kung gaano natin sila kamahal at kung gaano sila kaimportante at kahalaga sa atin, dahil hindi sa lahat ng panahon ay makakasama natin sila.
Subscribe to:
Posts (Atom)