Tuesday, May 18, 2010

Eclipse

..madilim, nakakatakot..

ganito marahil mailalarawan ang isang 'eclipse'. Isang pangyayari na tumatakip ang anino ng buwan sa sikat ng araw.


Ganito ko maihahalintulad ang buhay ko, napakadaming eclipse ang dumadaan. Sa career at sa lovelife madalas.


Ang career ko na marahil ang pinaka importanteng bagay para sa akin. Marahil nabubuhay ako para dito, para matupad ang lahat ng gusto kong mangyari sa buhay ko, at magtagumpay sa lahat ng bagay na naisin ko. Lahat ng bagay, gagawin ko, makamit ko lang ang pinapangarap ko. Andyan yung halos hindi ka na matulog at kumain, matapos lang ang kailangan matapos. Yun bang mukha ka ng adik dahil payat ka na kasi madalas kang magpalipas ng gutom; yung mga namamaga at nangingitim na mga eye bags dahil halos ilang oras na lang ang tulog mo; yun bang mukha ka ng nanay na may labing isang anak, dahil sa sobrang haggard at kawalan ng pahinga para lang magawa ng maganda at maayos ang mga dapat gawin.

Ako? Naranasan kong lahat yan. May pagkakataon pa nga na muntik na kong mag collapse dahil sa sobrang pagod at patuloy pa rin ginagawa ang mga homework. Pakiramdam ko kasi, napakalaking disappointment kapag hindi ko nagawa, kahit isang requirement. Para akong kriminal na hindi pinapatulog ng konsensya ko.


Dahil nga may gusto akong patunayan sa sarili ko, nagtiyaga ako para maabot ko ang pinapangarap ko. Pero sa kabila ng lahat ng paghihirap ko, kulang pa din para makamit ang pinapangarap ko. Alam mo ba yung pakiramdam na para kang naglalaro ng bingo at isang numero na lang eh panalo ka na ng napakalaking halaga, pero sa kasamaang palad, pagkalabas ng iniintay mong bola eh yung katabi mo yung sumigaw ng bingo.

Nakakadismaya no? Ang hirap kalimutan. Ako? Ganun din ang akala ko. Akala ko matutupad yung pinagdadasal ko. Hindi pala. Ang hirap tanggapin, sobrang hirap. Oo alam ko, mahirap umasa, pero masama ba yun kung alam mong may aasahan ka naman? Ewan ko, hanggang ngayon hindi pa din mawala sa isip ko ang bagay na yun, ang numero na dapat sana nagpanalo sa kin bilang isang dean lister. Kaso, hindi lumabas.


Sa pag-ibig naman, hindi din maiiwasan ang eclipse. Yun bang sobrang saya mo na, at akala mo wala ng balakid o hadlang sa kasiyahan mo, pero nagkamali ka. Alam mo ba yung pakiramdam na lagi kang nakalutang sa ere kapag kasama mo ang taong mahal mo? Yun bang halos kalimutan mo na yung ibang bagay, wag lang sya?

Ang sarap ng pakiramdam kapag inlove no? Pero sabi nga, lahat ng saya may
katapat na lungkot, katulad na lang ng kung gaano ka kasaya sa taong minamahal
mo, ganun din kasakit kapag nabigo ka. Para ka lang isang saranggola na matayog
ang lipad at nagpapadala lang sa hangin at sa isang iglap, bigla na lang bumagsak.
Ang hirap sa pakiramdam no? Kahit ako? Aminado kung gaano naaapektuhan, akala mo siguro, masaya at okay pa din, pero ang totoo unti-unti ng namamatay.

Nakatawa, nakikipagkulitan, nakikipagharutan. Kasi yun ang alam kong paraan para makapag tago. Dahil kahit papano, sa pamamagitan ng mga halakhak, nakakasimple ang mata kong umiyak. Ang sakit, ang hirap mabigo. Lalo na kung mahal na mahal mo yung taong dahilan kung bakit ka nasasaktan. Sabi nga, ang gamot sa pag-ibig ay katulad din ng gamot sa mga pasyenteng may sakit. Kahit anong pilit mong pagpapagaling, kung hindi ikaw ang gamot, hindi mawawala ang sakit. Tama 'di ba? Ako? Nasasaktan at alam kong sya lang din ang gamot ng sakit na to. Pero paano pa nya ako magagamot kung sya na mismo ang umayaw sa kin.


Eclipse. Pangit. Nakakatakot. Tinatakpan nito ang sikat ng araw na nagbibigay ng
liwanag sa 'tin. Katulad sa buhay ng tao, ito marahil ang mga pagsubok na dumadaan
sa bawat isa sa atin, pero kasabay din ng eclipse, tatagal lang ito ng ilang segundo
at magliliwanag na ulit ang araw, parang pagkakaroon ng panibagong pag-asa sa buhay natin.

No comments:

Post a Comment