Sunday, June 6, 2010

The Key

..''ok, text mo na lang ako kapag nasa biyahe ka na''..

Huling text message sa 'kin ng bago kong kaibigan bago ako tuluyang makasakay ng jeep. Simula na kasi ng OJT namin kaya nagpasya kami na magrenta ng isang Condominium malapit sa hotel kung saan ako mag-o-ojt at sa isang restaurant kung saan naman mag-o-ojt ang kaibigan ko.

..''malapit na ko''. Text ko kay kaibigan. Mag-aalas 12 na ng tanghali marahil ang oras ng mga sandaling iyon, at alam ko, na wala sa Condo ang kaibigan ko. Tanghalian na eh, malamang nanananghalian na yon sa kung saang lupalop sa Maynila.

Manghang- mangha ako sa ganda ng tanawin sa lungsod; kay gandang pagmasdan ang mga naglalakihang billboard, ang mga usad pagong na mga sasakyan, mga maiitim na usok na para bang isang makulimlim na ulap na bumaba sa lupa, ang mga makukulay at nagliliparan na basura sa lansangan, at ang mga nagtitinda sa kalye ng mga yosi at candy... takatak boys kung baga, at kung minsan yung mga nagtitinda ng mineral water, chicharon, mani, itlog ng butiki at itlog pugo... na animo'y nakikipag patentero kay kamatayan, kumita lamang ng kaunting barya. Kung minsan pa, magugulat ka na lang sa mga pulubi at taong grasa na bigla na lang susulpot para manghingi ng limos.

Nasa ganung pag-iisip ako ng mapansin kong tumatawag na pala sa 'kin si kaibigan. Nagluto daw sya ng pananghalian naming dalawa. Sa makatuwid, nandoon lang sya sa Condo.

Ilang sandali pa ang lumipas, tuluyan ko ng narating ang aking destinasyon... ang Condominium na rirentahan namin ni kaibigan sa loob ng isa't kalahating buwan. Pagpasok ko sa loob, agad akong sinalubong ni kaibigan para tulungan sa mga dala kong bagahe, may tatlong bag din ata yon. Para ngang pang matagalan ang pagtira ko dun sa dami ng dala kong damit at gamit.

Habang kumakain kami ng kaibigan, bigla nyang ibinigay yung isa pang susi ng Condo, at kasama non... ang duplicate ng susi ng kwarto nya.

Nung una, nagtaka ako. Bakit? Bakit nya ako binibigyan ng susi sa kwarto nya. Dahil litong- lito na ko, tinanong ko na sya.

..''para saan to?''. At ang sagot nya, ''wala, para kapag sinipag kang maglinis, malilinis mo yung kwarto ko''

Ayun, kaya naman pala eh. Pero sa halip na ikagalit ko, ang labis ko pang ikinatuwa. Isa lang kasi ang ibig sabihin non. Pinagkakatiwalaan nya ko.

Naging maayos naman ang pagsasama namin ni kaibigan. Mabait sya. Pasensyoso at maalaga.

At ang susing ipinagkatiwala nya... isang beses ko pa lang nagamit. Yun ay nung naglinis ako ng buong Condo. Nakita ko ang buong kwarto nya. Inayos ko lang ng kaunti pero wala akong pinaki- alaman ni isang bagay sa loob.

Hanggang sa isang gabi...

Napag-alaman ko na lamang na nawawala ang ipod ko. Hindi ko alam kung saan ko nailagay. Hindi ko din alam kung saan hahanapin. Wala si kaibigan ng mga pagkakataon iyon. Nag gagala sya sa isang Mall malapit sa Condo. Dahil mahalaga sa 'kin ang ipod ko, hinalughog ko ang buong Condo... pero nabigo ako. Isang lugar na lamang ang hindi ko pa natitignan... ang kwarto ni kaibigan. Kahit nagdadalawang isip, binuksan ko ang kwarto ni kaibigan. At nakita ko dun ang hindi ko dapat makita. Nandoon sa ibabaw ng kama nya ang ipod ko.

Kahit nahanap ko na ang ipod ko, hindi ko pa din iyon kinuha. Hinayaan ko na muna.

Pasado alas-9 na ng gabi ng umuwi si kaibigan. Okay pa din ang pagbati nya sa 'kin, at ganun din ako sa kanya. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang nais kong sabihin kay kaibigan. Kaya nagpasubali na lang ako.

..''friendship, may nakita ako sa kwarto mo ah''..

Yun lang ang tangi kong nasabi. At katulad ng inaasahan ko, nagtanong sya ng 'ano?'.

Hindi ako nakakibo ng mga sandaling iyon. Sasabihin ko ba o hindi. Naguguluhan ako. Kahit na gustong gusto ko ng sabihin, pinili ko na lang manahimik. Hanggang sa magsalita si kaibigan...

..''Hindi ko sinabing pakialaman mo ang kwarto ko, kung may tinatago ako mula sa'yo... hindi ko na sana ibinigay ang duplicate ng susi sa kwarto ko''..

At pagkabitiw nya ng mga katagang iyon, pumasok na sya ng kwarto at hindi na ulit lumabas ng gabing iyon.

Sino nga ba ang tunay na may sala?

Ako na pumasok sa pag-aari ng iba?

O sya na may itinatagong bagay sa loob ng kwarto nya?

Ako na, na-curious lang kaya pumasok?

O sya na inakala ko na magiging tapat kaya ipinagkatiwala ang susi nya sa 'kin?

No comments:

Post a Comment