Wednesday, September 29, 2010

Limitasyon

..''ayokong mag- birthday, natatakot akong tumanda''..


ang mga katagang ito ang lagi kong binabanggit sa Mama ko sa tuwing magkaka- kwentuhan kami. Totoo. Aminado ako... ayoko talagang mag- birthday. Para kasi sa 'kin, kapag nagbirthday ka, tatanda ka.


Sa totoo lang, hindi ang pagtanda ang kinakatakutan ko, kundi ang mga hamon ng buhay na haharapin ko habang tumatanda ako. Hindi pa man nangyayari ay natatakot na ko. Oo, duwag nga kung tawagin ang mga taong kagaya ko. Ang mga taong tumatakas sa mga problema.

Minsan nga napapaisip ako... ano kaya kung hindi na tumatanda ang tao? Ano kayang itsura ng mundo ngayon? Kapag naiisip ko ang kahibangang iyon, hindi ko mapigilang matawa sa sarili ko, lalo na kung naiisip ko ang naging buhay ko nung bata pa ako... yung mga problema ko, solusyon sa pinoproblema, mga taong iniibig ko... haay, ang sarap balikan ng buhay ng kabataan.

Tandang tanda ko pa, parang kailan lang nung kinder pa ko... pagkagising sa umaga, maliligo, magsisipilyo, magbibihis, papasok sa eskwela hatid ni Mama habang dala ang lunchbox at bag kong kulay pula, at ang payong ko na kulay yellow... yun bang may whistle na pabitin. Pagdating sa loob ng school, pagkaupong pagkaupo, ang lunchbox agad ang aatupagid, kakainin agad ang baon para ipainggit sa mga classmate na may baon kang cup cake at plus king size. Pagkauwi, tapon si bag, takbo sa labas at makikipag laro sa mga kapitbahay.


Ang sarap balikan ng nakaraan mong pamumuhay, lalo nung kabataan mo pa. Dati wala kang ibang pinoproblema kundi kung paano mo matatalo ang mga kalaro mong nandaya sayo? Kung saan mo hahanapin ang mga kaibigan mo habang naglalaro kayo ng taguan na lingid sa kaalaman mo na nagkaisa na palang umuwi sa kani-kanilang bahay at mapapaisip ka na lang na mukha ka na palang tanga sa kakahanap, pero kahit pagod na pagod ka sa paglalaro at paghahanap, sila at sila pa din ang mga nakakalaro mo. Yun bang tipong wala kang ibang dapat iyakan kundi ang mga sugat sa tuhod mo dahil nadapa ka sa paghabol ng aso ng kapitbahay nyo at walang ibang makakapag patahan sayo kundi si Nanay na gagamot ng sugat mo kasabay ng 2 lollipop at ice cream para mapukaw ang atensyon mo sa mga pagkaing nasa harap mo at bigla ka na lang mapapasigaw dahil nilagyan na pala ng alcohol ang sugat mo. Yun bang wala kang dapat paghirapan sa eskwelahan dahil nandyan sina Nanay at Tatay para gumawa ng mga homework at project mo na sya ipapasa mo kay Teacher kinabukasan. Yun bang mga panahon na wala kang ibang best friend kundi ang Nanay mo at walang ibang lalaki na laman ng isip mo at tinitibok ng puso mo kundi ang Tatay mo.


Kung ang pagsapit marahil ng kaarawan ko ay hindi makakadagdag bagkus ay makakabawas pa sa edad ko? Mas nanaisin ko pang mag-birthday buwan-buwan.


Kaso... hindi eh. Habang nagbibirthday tayo, bumibigat ang mga responsibilidad natin. Dumadami ang problema. Dumadami ang iniibig at nagpapaiyak. Ang pagtanda ay hindi kasing dali tulad ng mga iniisip ng mga bata. Ang bata na nagmamadaling tumanda. Hindi nila alam kung gaano kahirap humarap sa agos ng 'buhay'.


Ang pagtanda ay hindi tulad ng isang laro na kapag napagod ka, pwede kang umayaw. Hindi ito basta- basta paghahanap ng mga nagtatagong kalaro, dahil isang maling hakbang mo lang, maaaring magbago ang mga mangyayari sa kinabukasan. Ito na din marahil ang panahon na dapat na nating ihanda ang mga sarili natin dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay matutulungan tayo nina Nanay at Tatay sa problema natin.


Kung may time machine lang na pwedeng magbalik sa akin mula sa pagkabata ko, babalik ako sa panahong puro laro lang iniintindi. Pero imposible, hindi na maibabalik ang nakalipas na pero may magagawa ka upang maging mabuti at maayos ang mga dapat maganap kinabukasan. Imposible ang pagkakaroon ng time machine, imposibleng makabalik ka sa mga bagay na naging ugat ng mga problema at kalungkutan mo.


Sabi nga sa isa sa mga pinaka paborito kong palabas...

''Diyos lang ang may kakayahang gumawa ng lahat, kailangang tanggapin nating mga tao na mayroon tayong limitasyon''.

No comments:

Post a Comment