Tuesday, July 28, 2015

Ang araw na sya ay dumating

...sana'y di magmaliw ang dati kong araw nang munti pang bata sa piling ni nanay... Sa ugoy ng duyan. Ang kantang napakarami ng pinaluha. Kahit ako, kapag naririning ko ang awit na ito sa radyo, ay hindi ko mapigilang maging emosyonal. Ewan ko ba, siguro kasi dahil kanta ito para sa isang ina. Kung ako ang tatanungin nyo kung bakit ako naiiyak sa tuwing naririnig ko ang awit na ito, ang isasagot ko lamang ay hindi ko alam. Siguro... marahil... hindi din kasi ako naging mabuting anak sa aking ina. Alam ko, mabait naman akong tao, mapagbigay at may takot sa diyos pero hindi ko alam, minsan talaga nakakagawa at nakakapasalita tayo ng hindi maganda. Sabi nga sa isang linya sa palabas na napanood ko "I'm a good man, but not a good person" (lalaki kasi ang nagsalita ng linya na yan). Bata pa lamang ako, ay nakagisnan ko na ang pagsagot sa magulang. Siguro ay dahil yun ang nakikita ko sa mga Tito at Tita ko, sinisigawan nila sina Lolo at Lola kung saan kami lumaki ng kapatid ko na si Neneng. Minsan nakikita ko din si Mama na sumasagot kina Lolo at Lola, kaya marahil tumatak sa isip ko na ayos lang yon, sabi nga nila "sa mata ng bata, ang malaing halimbawa ay nagiging tama". Hanggang sa lumaki ako at nagdalaga, nakasanayan na namin ng kapatid ko na sumagot sagot ng pabalang kay Mama, kung minsan nga nasisigawan namin sya. Oo, aaminin ko, kung minsan ayoko na umuwi sa bahay namin, kasi kapag umuwi ako, imbis na makapagpahinga ako ay puro sumbong at puro problema ang naririnig ko, nakakarindi na. Pero alam ko sa sarili ko kung gaano ko kamahal si Mama, naalala ko pa yung mga sinabi ko nya sa akin na "tandaan nyo, lahat ng ginagawa nyo sa akin, gagawin din sa inyo yan ng mga anak nyo". August 10, 2013. Araw ng linggo, maaga ako nagising... naghihintay ng oras. Ilang araw na kasi akong may hinihintay pero hindi pa din dumadating. Puro spotting lang mg dalawang linggo na din. Kung mga kababaihan ang makakabasa nito, malamang alam nyo na kung ano ang hinihintay ko. Oo, tama kayo... hindihintay ko an buwanang dalaw ko, dalawang linggo na kasi aong delayed. Ako lang ang mag isa sa bahay nun, pumasok kasi sa trabaho ang boyfriend ko, at ang mga magulang namin nasa probinsya lahat. Hindi pa nga nila alam nung mga oras na yun na nagsasama na kami ng boyfriend ko. Dumating ang ika-7 ng umaga, umihi ako nila mid-stream daw, kaya kumuha ako ng maliit na lagayan para isahod. Sinunod ko ang nakasulat sa instruction ng pregnancy test kit na binili ko sa botika, tatlong patak daw pwede na. Ginawa ko naman, nung una medyo okay pa, bumulung pa nga ako ng "thank you Lord". Hanggang sa maya maya pa, nagkaroon ng ikalawang linya pero malabo ang ikalawa. Hindi ko alam ang gagawin ko, dahil nga mag isa lang ako ng araw na yon, dali dali ako nagpunta dun sa kalapit kwarto namin (nagrerent lang kasi kami ng room sa may Makati). Kumatok ako, at pinagbugsan naman nya ako ng pinto, at pinakita ko agad sa kanya ang PT ko sabay sabing "Ate, positive ba to?", at dali dali nyang sinabi "positive 'to Beh". Hindi ko alam ang mararamdaman ko nun, basta ang alam ko ang biglang pumatak ang luha ko. Agad nya akong pinapasok sa kwarto nya at doon na nga ako umiyak ng umiyak. Hindi ko lubos maisip na sa edad ko 22 ay magiging ina na ako. Nang mahimasmasan na ako, nagpasya akong bumalik na sa kwarto. Wala akong ibang pinagsabihan at hinintay kong umuwi ang boyfriend ko. Gulong gulo ako nun, at alam ko na pati sya ay ganun din. Ilang araw ang nakalipas ay nagpasya kami na magpasuri sa isang ob-gyne, pinainom ako ng pampakapit kasi mahina daw ang kapit ng baby ko at nung araw na din na yun, ipina alam na din namin sa aming mga magulang ang tungkol sa pagbubuntis ko at makalipas ang tatlong buwan ikinasal kami ng boyfriend ko sa simbahan. Nung mga oras na yun, ganap ng 6 na buwan na ang tiyan ko. Kapag nag iisa ako, minsan kinakausap ko ang sarili ko may sarili na akong pamilya at magiging isa na din akong ina. Bigla kong naalala ang mga sinabi ni Mama sa akin na gagawin din sa akin ng magiging anak ko ang mga ginawa ko sa kanya. Hindi ko mapigilang umiyak, ganito pala ang pakiramdam nun, mahirap. Totoo nga yung sinabi nya sa akin kapag pinapagalitan daw sya ng lola ko na kahit tadtarin ang kaduluduluhan ng buhok mo, hindi mo ako kayang bayaran. Tama sya, hindi malalaman ng isang anak ang hirap na naranasan ng isang ina hangga't hindi sya ang magiging ina. Ang hirap pala kapag nandun ka na sa stage na yun. Magpapa alam ka na kasi sa mga bagay na nakasanayan mo, sa mga luho mo sa katawan, kasi sabi mga kahit kahuli hulihang subo mo, ibibigay mo pa sa anak mo. Ngayon ko naiintindihan si Mama, ngayon ko nakita ang mga hirap at sakripisyo nya para sa amin. Sa mga makakabasa nito. Mahalin natin ang ating magulang lalo na ang ating mga ina. Kasi hindi madali maging isang ina, hindi biro ang sakripisyo at pagmamahal ang binibigay nila sa atin. At higit sa lahat, mahalin natin sila hangga't kasama pa natin sila, iparamdam natin kung gaano natin sila kamahal at kung gaano sila kaimportante at kahalaga sa atin, dahil hindi sa lahat ng panahon ay makakasama natin sila.

Wednesday, March 21, 2012

Bakit Masarap ang Bawal?

..”anak ha!., wag kang maglalaro dun sa may tabing ilog. Bawal maglaro don!..


Bata pa lamang ako ay namulat na ako sa pangaral ng mga magulang ko. Pinuno nila ako ng pangaral at pagmamahal. Yun bang tipo na kada galaw mo eh andyan sila para bantayan ka kung tama o mail ang ginagawa mo. Na animo’y isa kang preso na ingat na ingat ang bawat galaw mo sapagkat natatakot ka na baka mapagalitan ka nina Inay at Itay. Ngunit sabi nga likas na talaga sa mga batang kagaya ko ang kakulitan. Minsan nga mapapa-isip na lang ako bigla “bakit nga ba nila ako pinagbabawalan maglaro sa may tabing ilog? Ano bang meron dun? Bakit kaya lagi akong pinagbabawalan ni Inay na pumunta dun?” Minsan sa kakaisip ko, natutukso akong pumunta sa lugar kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal sa akin, sabi ko pa sa sarili ko “titignan lang naman eh”, tapos minsan magtatalo pang ang kunsensya ko kung gagawin mo nga ba yun o hindi kasi natatakot ka na mapagalitan ka. Sa kalaunan, natagpuan ko na lang ang aking sarili na naglalakad patungo sa ilog. Sa lugar na kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal sa akin.


Dala ko ang kaisipang iyon hanggang sa pagtanda ko. Marami-rami na rin akong kasalanang nagawa sa mga magulang ko. Mga utos nila nya siyang sinusuway ko minsan. Katwiran ko “bakit? Hindi naman nila malalaman eh!” pareho kasing may trabaho sina Inay at Itay kaya hindi nila ako gaanong natututukan sa pag-aaral. Marami kung sa marami ang mga kalokohan ginawa ko noong ako’y elementarya pa. Natututong mag-mura, sumagot ng pabalang kina Inay at Itay, at sumama sa maling barkada o pangit na mga ehemplo. Kung minsan pa nga napapabayaan ko ang aking pag-aaral ng dahil lang sa pagbubublakbol.


Pagtungtong ko naman ng sekondarya, medyo naging matino naman ako kahit papano. Mas naging dedikado ako sa pag-aaral, hindi na masyado napapabarkada, ngunit hindi pa din na aalis na minsan talaga ay nakakagawa din ako ng pagkakamali. Tulad na lang ng palaging bilin ni Inay… “walang syota, syota ha!”. First year pa lang ata ako eh me syota na ko eh. Ano bang paki nila? Uso yun eh, dapat makisali sa uso.


At ngayon… isa na akong ganap na propesyonal. Oo tama ang nabasa nyo! Nakatapos ako ng pag-aaral hanggang sa kolehiyo. Naigapang ako nina Inay at Itay, at kasalukuyan akong nagtatrabaho sa isang lugar kung saan ay marami kang pinaglilingkuran na tao. Ayos lang naman, sumisweldo ng tama. Masasabi kong masaya ako sa buhay ko ngayon. At kung akala nyo wala na akong kasalanang nagawa sa pamilya ko? Dyan kayo nagkakamali. Nagyon ko na ata nagawa ang pinaka malaking kasalanan na magagawa ko sa pamilya ko lalo na kina Inay at Itay.

Sa nagayon, kasama ko ang aking pinaka mamahal sa buhay. Alam ko at alam nya na mali, ngunit sa kabila noon ay itinuloy pa din namin.


Bakit nga ba masarap gawin ang bawal? Ewan ko, hindi ko alam. Hanggang ngayon ay gulong gulo pa ako sa mga nangyayari sa buhay ko. Alam mo ba yung tipo na ayaw mo ng ituloy pero natatakot ka matapos? Ako? Alam ko sa sarili ko na gumagawa ako ng bawal na hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan nito sa banding huli. Alam ko din na ako din ang talo pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung bakit itinutuloy ko pa ang laban na alam ko ay dehado ako.

Saturday, October 8, 2011

Akalain Mo?

..."ano ang pagkakaiba ng informal sa wrong grammar?"...


Post sa Facebook ng isang kakilala at katanguan sa pathway. Hindi mo naman kasi masasabing kaibigan mo na agad ang minsan mo nang nakilala dahil sa ipinakilala sya sayo ng e-boyfriend mo na kalaro nya lagi sa dota. Basta alam mo ang pangalan nya, Ok na!


..."ewan ko tol, me raketa ka? peram naman!". Sagot ko sa status nya, alam kong hindi pa kami ganun ka-close that time, pero... pakapalan na lang, kailangan eh! PE subject kasi namin kinabukasan kaya kailangan ko maghanap ng raketa para bukas.


..."meron tol!", sagot ni kaibigan. Kaibigan ng maituturing ang isang kakilala na tinutulungan ka... para saken ha! "Peram ako bukas ha!". Eto ang nakakainis minsan eh, kahit ako, inis na inis ako kapag nagost ka ng status tapos ang layo ng mga comment... pero dahil sa tindi ng pangangailangan, kailangan magkapal-kapalan!


Dito nagsimula ang lahat, sino nga ba ang mag-aakala na sa simpleng usapan na yun magsisimula nag love story namin ni kaibigan. Oo alam ko, mahirap ipaliwanag kung paano pa nadugtungan ang eksenang yun, basta ang alam ko... showing pa din ang movie na hindi natin alam ang ending, ang palabas na araw-araw dinadagdagan ang istorya.


Masaya? Oo naman, sobra! Nakaka-excite kasi hindi mo alam kung ano ang susunod na mangyayari, hindi mo mahuhulaan ang ending at sa pagspit ng ika-siyam ng gabi sa araw na ito, hindi ko pa rin mapigilan balikan ang nakaraan, kung paano nagsimula nagsimula ang lahat. Tatlong oras na lang ang hinihintay ko... isang taon na kaming nagmamahalan ni kaibigan. Akalain mo, aabot pala kami sa ganito...


Para sa kanya...


Asawaquh,
Salamat gahil dumating ka sa buhay ko! Sobra akong nagpapasalamat kay God kasi kahit napakaraming blessing ang bingay nya sa'ken hinayaan pa din nya na ibigay ka sa'ken. Salamat ha! Dahil sayo natuto akong maging seryoso. You teach me how to love, yun bang tipong love over pride. Basta sobrang thankful ako, kasi mahla na mahal mo ko. Salamat sa lahat. A year is not enough at alam kong magtatagal pa tayo! I Love You so much... HAPPY 1ST ANNIVERSARY ASAWAQUH^^

Friday, February 25, 2011

Maskara

'kung may problema ka, magsuot ng maskara'


..liriko buhat sa isang awitin na pinasikat ng nasirang banda na eraserheads. Noong una, hindi ko maintindihan ang nais na ipahiwatig ng awitin na ito. Hindi ko alam kung anung maskara ang isusuot sa oras ng problema.


Sa buhay ng isang tao, hindi mawawala ang problema. Sabi nga, kasama na talaga yun sa takbo ng buhay ng tao. Kung wala kang problema, walang saysay ang buhay na pinagkaloob sa iyo, hindi ka matututo at hindi ka mabubuo bilang isang matagumpay na tao.


Tandang tanda ko pa, nung mga bata pa kami ni Neneng (wala pa kasi si Totoy ng mga panahon na yon), wala kaming iniisip at pino-problema. Lahat ng hingiin namin kina Nanay at Tatay ay nabibigay nila pwera na lang sa panahon at oras. Palibhasa kasi pareho silang may trabaho kaya wala silang panahon at oras upang intindihin kami ni Neneng. Pero pag dating naman sa mga laruan at pagkain na hingin at hilingin namin, naibibigay nila.


Noon, akala ko makukuntento na kami ni Neneng sa ganung sitwasyon, ngunit hindi nagtagal kabi- kabilang patawag ng magulang ang nangyari. Pinatawag si Nanay dahil hindi laging pumapasok si Neneng at ako naman, syempre dahil nahuling ngka-counter strike sa oras ng klase. Magmula noon, nagpasya si Nanay na tumigil na sa pagta-trabaho para maalagaan nya kami ni Neneng.


Hanggang sa ilang taon din ang nakalipas, nagpasya si Tatay na tumigil na din sa dati nyang trabaho.


Masaya nung bago pa lang sila na nawalan ng trabaho. Masaya kasi magkakasama kami at may oras sa isa't isa. Ngunit hindi nagtagal, unti- unting bumibigat ang problema namin.


Hindi na nila gaanong naibibigay ang mga hiling namin. Naiintindihan naman namin yun ni Neneng, dahil nga hindi na nagkaroon ng magandang trabaho si Tatay. Sinubok namin magnegosyo pero bumagsak din yun at yung lupang sinasaka ni Tatay, laging nape-peste. Dahil dun, palagi kaming walang naa-ani, dumami din ang mga utang namin dahil doon.


Hindi ko na maintindihan ang takbo ng buhay namin ngayon. Labis akong nanghihinayang sa magandang trabaho nina Nanay at Tatay. Kung marahil ay alam ko lang na ganito ang magiging bunga ng kapalpakan namin ni Neneng, sana ay hindi na lang namin ginawa ang kapalpakan na iyon. Nakaka-lungkot kung iisipin pero nandito na 'to. Hindi na maibabalik ang dati. Hindi na maitatama ang maling nagawa kahapon.

Ngayon ko napag-tanto ang kantang maskara. Nakukuha ko na kung anong maskara ang ibig niton ipahiwatig. Maskara ng kaplastikan, at ang maskarang iyon ay ang pagtawa at pag-ngiti. Pansamantala kasing nakakalimutan ng bawat tao ang mga problema nila sa tuwing tayo ay tatawa. Pansamantalang nakakatakas sa mga pasaning dinadala natin sa araw-araw.


Hanggang kailan kaya ako magsu- suot ng maskara ng pekeng ngiti o kasiyahan? Kailan kaya matatapos ang problema namin?
May pag-asa pa kayang bumalik sa dati ang buhay na nawala sa 'min?



Yan ang mga tanong ko sa sarili ko na hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang sagot. At lalong hindi ko din alam kung malalaman ko pa ang sagot.

Wednesday, September 29, 2010

Limitasyon

..''ayokong mag- birthday, natatakot akong tumanda''..


ang mga katagang ito ang lagi kong binabanggit sa Mama ko sa tuwing magkaka- kwentuhan kami. Totoo. Aminado ako... ayoko talagang mag- birthday. Para kasi sa 'kin, kapag nagbirthday ka, tatanda ka.


Sa totoo lang, hindi ang pagtanda ang kinakatakutan ko, kundi ang mga hamon ng buhay na haharapin ko habang tumatanda ako. Hindi pa man nangyayari ay natatakot na ko. Oo, duwag nga kung tawagin ang mga taong kagaya ko. Ang mga taong tumatakas sa mga problema.

Minsan nga napapaisip ako... ano kaya kung hindi na tumatanda ang tao? Ano kayang itsura ng mundo ngayon? Kapag naiisip ko ang kahibangang iyon, hindi ko mapigilang matawa sa sarili ko, lalo na kung naiisip ko ang naging buhay ko nung bata pa ako... yung mga problema ko, solusyon sa pinoproblema, mga taong iniibig ko... haay, ang sarap balikan ng buhay ng kabataan.

Tandang tanda ko pa, parang kailan lang nung kinder pa ko... pagkagising sa umaga, maliligo, magsisipilyo, magbibihis, papasok sa eskwela hatid ni Mama habang dala ang lunchbox at bag kong kulay pula, at ang payong ko na kulay yellow... yun bang may whistle na pabitin. Pagdating sa loob ng school, pagkaupong pagkaupo, ang lunchbox agad ang aatupagid, kakainin agad ang baon para ipainggit sa mga classmate na may baon kang cup cake at plus king size. Pagkauwi, tapon si bag, takbo sa labas at makikipag laro sa mga kapitbahay.


Ang sarap balikan ng nakaraan mong pamumuhay, lalo nung kabataan mo pa. Dati wala kang ibang pinoproblema kundi kung paano mo matatalo ang mga kalaro mong nandaya sayo? Kung saan mo hahanapin ang mga kaibigan mo habang naglalaro kayo ng taguan na lingid sa kaalaman mo na nagkaisa na palang umuwi sa kani-kanilang bahay at mapapaisip ka na lang na mukha ka na palang tanga sa kakahanap, pero kahit pagod na pagod ka sa paglalaro at paghahanap, sila at sila pa din ang mga nakakalaro mo. Yun bang tipong wala kang ibang dapat iyakan kundi ang mga sugat sa tuhod mo dahil nadapa ka sa paghabol ng aso ng kapitbahay nyo at walang ibang makakapag patahan sayo kundi si Nanay na gagamot ng sugat mo kasabay ng 2 lollipop at ice cream para mapukaw ang atensyon mo sa mga pagkaing nasa harap mo at bigla ka na lang mapapasigaw dahil nilagyan na pala ng alcohol ang sugat mo. Yun bang wala kang dapat paghirapan sa eskwelahan dahil nandyan sina Nanay at Tatay para gumawa ng mga homework at project mo na sya ipapasa mo kay Teacher kinabukasan. Yun bang mga panahon na wala kang ibang best friend kundi ang Nanay mo at walang ibang lalaki na laman ng isip mo at tinitibok ng puso mo kundi ang Tatay mo.


Kung ang pagsapit marahil ng kaarawan ko ay hindi makakadagdag bagkus ay makakabawas pa sa edad ko? Mas nanaisin ko pang mag-birthday buwan-buwan.


Kaso... hindi eh. Habang nagbibirthday tayo, bumibigat ang mga responsibilidad natin. Dumadami ang problema. Dumadami ang iniibig at nagpapaiyak. Ang pagtanda ay hindi kasing dali tulad ng mga iniisip ng mga bata. Ang bata na nagmamadaling tumanda. Hindi nila alam kung gaano kahirap humarap sa agos ng 'buhay'.


Ang pagtanda ay hindi tulad ng isang laro na kapag napagod ka, pwede kang umayaw. Hindi ito basta- basta paghahanap ng mga nagtatagong kalaro, dahil isang maling hakbang mo lang, maaaring magbago ang mga mangyayari sa kinabukasan. Ito na din marahil ang panahon na dapat na nating ihanda ang mga sarili natin dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay matutulungan tayo nina Nanay at Tatay sa problema natin.


Kung may time machine lang na pwedeng magbalik sa akin mula sa pagkabata ko, babalik ako sa panahong puro laro lang iniintindi. Pero imposible, hindi na maibabalik ang nakalipas na pero may magagawa ka upang maging mabuti at maayos ang mga dapat maganap kinabukasan. Imposible ang pagkakaroon ng time machine, imposibleng makabalik ka sa mga bagay na naging ugat ng mga problema at kalungkutan mo.


Sabi nga sa isa sa mga pinaka paborito kong palabas...

''Diyos lang ang may kakayahang gumawa ng lahat, kailangang tanggapin nating mga tao na mayroon tayong limitasyon''.

Thursday, September 23, 2010

Sa Disneyland

.."gusto kong pumunta sa disney, magwi-wish ako kay genie, para maka-jam si Mickey, sa disney, disney, disney... Sa Disneyland"..

labis akong natutuwa sa twing naririnig ko ang awit na ito na pinasikat ng isa sa mga sikat na banda sa panahon ngayon... ang bandang Tanya Markova. Ang sarap kasi kung iisipin, para bang yung kanta ng kamikazee na ambisyoso. Yun bang, lahat ng bagay na naisin mo makukuha mo ng walang kahirap- hirap; eh sa totoong buhay, posible kaya to?


Minsan, naiisip ko, paano kaya kung magkaroon ako ng madaming- madaming pera? Siguro napaka-saya ko na. Sabi nga sa kantang billionaire... buy of all the things i never had, oo tama, kaya nga lagi kong hinihiling na magkaroon ako ng madaming- madami pera para masaya.

Sa paglipas ng mga araw, mula pag gising mo sa umaga, hanggang sa makita mo ang unti-unting paglamon ngkadiliman sa sikat ng araw, halos wala ka ng maiisip kundi 'paano kaya matatapos ang mga problema ko?'

Kasama na ata sa buhay ng isang tao ang magkaroon ng problema. Oo naniniwala ako dun, kasama na talaga yun, kaya nga siguro tayo binuo ng Diyos ay para tapusin ang mga problemang ibinigay sa atin... upang gampanan ang lahat ng bagay o katauhan na ibinigay sa atin, at sa panahong matapos na ang misyon natin dito sa mundo o sabi nga sa casper "unfinished business"... yun na siguro ang panahon na dapat na natin lisanin ang mundong ibabaw.

Kung lahat siguro ng tao sa mundo ay may sari-sariling Genie, wala na siguro tayong problema. Ngayon ko lang napagtanto na lubhang napaka-palad ni Aladdin dahil sya lang ang pinalad na magkaroon ng pinapangarap kong genie.

Ngunit kung iisipin, bakit nga kaya laging tatlong kahilingan lang ang binibigay ng mga genie sa pelikula? dahil ba hindi nila kayang ipagkaloob sa ating ang mga bagay na gustuhin natin na magkaroon tayo?

Magiging masaya kaya tayo kapag nakuha natin lahat ng gusto natin?

Yun ang akala ko dati, akala ko kapag nagkaroon ako ng pera, magiging masaya ako. Pero nagkamali ako, hindi lahat ng bagay nabibili ng pera. Sabi nga, 'Money can buy a house but not a home'

Sana, magkaroon ako ng genie at bigyan nya ako ng chance na humiling... kahit isang kahilingan lang, hihilingin ko na sana... maging masaya na ulit kami. Sana maging buo na ulit ang pamilya namin. Sana umuwi na ang papa ko.

Alam ko imposible pero hindi pa din ako nawawalan ng pag-asa na matupad ang tanging hiling ko...

ang maging kumpleto at masaya ulit ang pamilya ko.

Wednesday, September 1, 2010

Bestfriend

..''when i'm down, you're there, brighten up my darkest day, you always showing me the way. 'Coz with you, my friend, i don't have to be afraid, you're the one i can depend''..

hindi ba't kay ganda ng ibig sabihin ng linya ng awiting pinamagatang 'bestfriend'.

Hindi ba't kay saya sa pakiramdam na palaging kang may karamay, may nag-aalaga sayo, may umaalala, may pinagsasabihan ng problema. Minsan nga kahit lihim mo sinasabi mo sa kanya... kaya nga may kasabihan na...

'bestfriend, best enemy'

ako? madami na akong naging best friend, iba-iba ang ugali nila. May masunget, may masayahin, may sobrang dependent. Lumaki akong boyish kaya puro lalaki ang naging bestfriend ko.

Tandang tanda ko pa yung unang una na naging bestfriend ko. Mula grade 2 bestfriend ko sya. Akala ko pang habang buhay na ang pagiging mag bestfriend namen, pero lahat yun, naputol lang sa isang iglap.

Sa isang insidente na hindi ko alam na malaki ang naging kasalanan ko.

Isang gabi, tinanong ako ng mama ng bestfriend ko, tinatanong kung nasaan daw sya, since parang nanay na din ang turing ko sa kanya, nagsabi ako ng totoo.

'nakina Roseann po'

yun lang ang tangi kong sinabi. Wala naman akong alam na pinagbawalan na sya pumunta dun sa girlfriend nya.

Kinabukasan, tinawag ako ng bestfriend ko. Syempre masaya ako, kasi tinawag ako ng bestfriend ko. Pagkalapit ko sa kanya, nakita ko sya na namumugto ang mata. Pag dating ko sa kanya, bigla nya kong tinanong

'bakit mo ko sinumbong sa nanay ko?'. Hindi pa man ako nakakasagot, muli syang nagsalita na dumurog sa pagkatao ko...

'wag mo ng papakialaman ang buhay ko kahit kelan ha'

Mula nun, nasira na ang pagkakaibigan namin.

Ngayon, meron na ulit akong bestfriend. Okay sya, sobrang bait at thoughtful. Akala ko, sya na ang papalit sa naging bestfriend ko ng halos 7 taon. Pero nagkamali ako, madami syang nilihim sa 'ken. Hindi ko alam kung dapat pa ba akong maniwala sa kanya. Ewan ko, gulung gulo ako. Ang akala ko kasi kapag bestfriend walang lihiman, at bawal magsinungaling. Pero, andito na 'to, kaya kailangan harapin ko.

para sa kanya...

''bhest, masaya ako at nakilala kita. Ipinaramdam mo sa 'kin kung gaano ang kahalaga sayo, at hindi ako tanga para hindi makita ang mga ginagawa mo saken, pero bhest, parang lumiliit na ang mundo natin. Marami nang nangyari na sumisira sa kung ano tayo. Pinipilit kong kumapit hangga't kaya ko, pero ikaw mismo ang nagbibigay ng dahilan para bumitaw.''

is it over bhest_22?