'Tol, male-late lang ako ng kaunti'. Text ko sa barkada ko Biyernes ng umaga, birthday kasi nya kaya kumpleto na naman ang tropa. Syempre, alaman na kung ano ang naghihintay pag dating ko dun. Alak. 'Hoy tagay', bungad nila pag dating na pag dating ko. Masasagian na naman ng alkohol ang bituka ko. Tandang tanda ko pa nung una akong nakatikim ng alak, 4th year high school, pagkatapos ng cheering. Sa rest house ng barkada ko; Vodka. Vodka ang unang alak na sumagi sa katawan ko, matapos ang inuman, bumagsak ako. Bagsak talaga, suka ako ng suka, lambot na lambot ako. Hindi ko alam kung sino-sino sa mga barkada ko ang naglinis ng mga suka ko. Ganun pala ang epekto nun, masarap lang pakinggan pero mahirap sa katawan. Hindi iyon ang huling pag iinum ko, nasundan at nasundan pa ang pag iinom ko. Lahat yata ng mapuntahan kong birthday hindi mawawala ang alak. Pakiramdam ko nga ok lang mawala yung ibang mga ka-tropa wag lang mawala ang presensya ng alak, para bang hindi matutuloy kapag walang alak. Dala ko ang pag-uugaling iyon hanggang sa mga college ako. Third day of school naglalakad kami ng dalawang barkada ko nang nag-aya ng inuman ang mga bagong bagong classmate namin. Evening class kasi ang schedule ng section namin, at yun ang alam ng mga magulang namin. Tuloy ang inuman, mula ata alas-4 hanggang alas-8 nag-iinum kami. Hindi lang yun ang nagawa kong katarantaduhan nung nasa college ako, minsan hindi ako napasok makapag inom lang. Isang beses nga, half day lang kami sa hapon lang ang pasok namin, 2 lang ang subject namin ng hapon na yon. Hindi nagturo yung instructor namin ng 1st period kasi inter-campus namin, so tambay sa computer shop. Nakumpleto ang barkada, at nangyari ang inaasahan. Inuman. Hindi na kami pumasok sa next subject namin. Pakiramdam ko yun na ang pinaka malaking kasinungalingan na nagawa ko sa mga magulang ko. Nakaka-guilty. Hanggang sa isang araw, parang may sumapi sa king mabait nga anghel at natauhan na ata ako. Unti-unti akong dumidistansya sa mga dating barkada ko. Madalas na akong mag isa, at kung minsan, sumasama dun sa ibang classmate ko na matino. Naging maganda din naman ang pakikipag-halubilo ko sa kanila, minsan naririnig ko yung mga dati kong barkada na nagpa-plano tungkol sa inuman. Hinihintay kong imbitahin ako, pero hindi. Hindi nila ako inaya. Masakit, masakit pala yun sa pakiramdam. Pero andun naman yung mga bago kong kaibigan, nakaka-move on ako.Dumating ang araw ng tour. Yung mga bago kong barkada ang
mga katabi ko. Yung mga dati kong barkada, sila-sila pa
din ang magkakasama. Kahit masaya ang tour, malungkot pa
din. Minsan napapaisip ako, pano kaya kung hindi ako
humiwalay sa kanila? Ano na kaya ang itsura ko ngayon?
Natapos
ang first semester, tuluyan na akong lumayo, hiwa-hiwalay
na din yung mga barkada ko dati pero patuloy pa din ang
pagsasama nila sa inuman hanggang sa isang hapon. Naglalakad
kami ng mga classmate ko ng marinig kong may tumawag ng 'tol',
galing sa isang tricycle na nakaparada ang boses. Nilapitan ko,
nakita ko yung mga barkada ko dati sa inuman. Syempre kumustahan,
nung sila naman ang tanungin ko malungkot nilang binalita na andun
ang mga magulang nila sa office ng dean namin para ipa-drop sila.
Nagulat ako. Baket? Anong nangyari?. Naguguluhan ako, biglaan ata.
Kinuwento nila, nagsimula ang lahat sa inuman. Sila-sila pa din ang magkakasama,
at hindi sinasadya inabot sila ng gabi at sa hindi inaasahan hinahanap na
pala sila ng kani-kanilang mga magulang at iyon nga, iyon ang naging
resulta ng pag-iinom nila. 'Sige tol, may klase pa ko', pagtatapos ko
ng dibdibang pakikipag usap ko sa mga dati kong mga barkada. Habang
naglalakad, napapaisip ako, para akong binunutan ng tinik dahil
hindi ako kasama sa kanila nung mangyari yun. Pero nalulungkot
ako para sa mga barkada ko dati. Hindi ko alam, gulong gulo pa
din ako. Parang may halong awa at tuwa. Awa kasi naging mga
barkada at nakasama ko din sila; ilang problema at mga walang
kwentang usapan ang nabuksan namin sa isa't isa. At tuwa, kasi
hindi ako kasama sa kanila. Hindi naman sa naging sadista ako
sa pagkakataong iyon. Pero sabi nga, lahat ng mga kasalanan ay
may kauukulang parusa. Iyon marahil ang nararapat na parusa sa
kanila, dahil hindi nila agad nabigyan ng importansya ang
pagkakataong ipinagkaloob sa kanila. Sayang. Sana nahikayat
ko sila. Pero di ba nga, may kasabihan na 'you cannot please
everybody'. Mahirap magsalita, pero huli na ang lahat.
Patuloy ang buhay. Pag gising sa umaga, papasok, aattend sa mga
subject, sasagot sa graded recitation at kinahapunan, uuwi ng
maraming iniisip. Mga homework, project, iba't ibang appointments
kung meron man, at kung may pagkakataon, ang pag-iisip sa mga
nakakakilig na nangyari sa inyo ng boyfriend o ng crush mo kung meron lang din.
At sa paglalakad mo, bigla ka na lang maalimpungatan na muntik ka na
palang maka-apak ng 'street cake' o mas kilala sa tawag na dumi o tae.
Pag dating sa bahay, kakain, gagawa ng dapat gawin kung sinisipag at matutulog.
Patuloy ang takbo ng buhay estudyante, paulit- ulit. Nakakasawa. Nakakapagod.
Sa pagsusumikap ko ngayong semester, isa ako sa mga naging pinaka magaling sa
aming klase, ewan ko. Dahil din siguro sa gusto kong makabawi sa mga kasalanan
ko sa mga magulang ko. At sa pagtatapos ng ikalawang semestre, sa awa ng Diyos.
Nag bunga ang mga pinaghirapan ko. Mataas ang lahat ng grades ko, sa unang limang
class card na nahawakan ko, isa ang 1.5 at apat ang 1.75. At kung siswertehin pa,
posible akong mapasama sa dean's list. Ang saya. Iba talaga ang pakiramdam kapag
nakikita mo ang lahat ng pinaghirapan mo. Kahit papano, nagpapasalamat ako sa mga
dating barkada ko at sa alak.
Kung hindi dahil sa kanila, hindi siguro ako magiging ganito kasigasig sa pag-aaral. Patuloy pa rin ang pag-ikot ng baso sa inuman, parang pag-ikot ng mundo. Ilang laway na ba ang nalasan mo dahil sa umiikot na baso tuwing inuman, ilang tao na ba ang hindi mo inaasahang nakilala mo dahil sa inuman? Ilang lugar na ba ang napuntahan mo dahil sa inuman? Inuman. Inuman. Inuman. Makikita mo kahit saan. Kasama mo sa tagumpay at kabiguan. Kasama mo sa ligaya at lumbay. Sa tamis at pait ng buhay. Hindi mawawala ang inuman. Ako, aminado ako. Nabigo ako ng dahil sa barkada at alak noon. Pero nagsumikap at unti-unting nagtatagumpay ngayon. At sa nararating kong tagumpay, ang barkada at alak ay nandyan pa rin. Hindi man ito kasing dalas ng inuman dati, ngunit mas nagkakaroon naman ng mas magandang dahilan para magkasama-sama at mabuo ulit ang barkada, at maidaos ang makahulugang inuman. Kung nasan man ako ngayon at kung ano ang narating ko, salamat sa alak. Kasama kita sa pagbagsak at muling pag-angat ko. Kaya sa lahat ng makakabasa nito. 'Tol, tagay ka!'
Wednesday, April 7, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment