Wednesday, April 14, 2010

Comedy Show

...just chew it with the bubble gang...


Bubble gang, isa sa mga pinaka-sikat na comedy show sa bansa ngayon. Pinapatawa tayo, tinutulungan ngumiti at pansamantalang limutin ang mga problema. Pero sa likod ng mga pagpapatawa ng mga artista sa TV, tunay din kaya silang masaya?


Napapaisip ako minsan. Isa kasi ako sa mga pinaka- magulo, palatawa, kalog, at maingay na tao sa buong universe. Oo masaya talaga ako, sa nakikita ng karamihan... pero pag dating ko sa loob ng bahay, eto na... nawawala na ang pagiging masayahin ko.


Tulad ng mga artista, marahil kapag nasa backstage sila, iniisip din nila yung mga personal nilang problema... tulad na lang ng, saan kaya ako uuwi ngayon? nag-away kami ni misis, o di naman kaya, iniisip kung anong magandang pasalubong sa mga anak na nag-iintay sa bahay. Iiniisip kung pano matatanggal yung mga tumutubong wrinkles sa mukha... madami pang ibang posibleng dahilan, at marami ding posibleng paraan.


Sa pag dating ko sa bahay namin, ayos lang naman. Kumpleto pa rin kaming lima, si papa, si mama, ako, si neneng at si totoy. Mukhang masaya no? Kahit ako masaya din, kasi kahit papano, magkakasama pa din kami sa iisang bubong, magkakasama... kahit na pisikal na katauhan na lang ang nag-uugnay. Emosyonal? ewan ko. Hindi ko alam, basta kumpleto kami sa mata ng iba at mata ko, ayos na. Kahit papano matatawag pa din kaming 'PAMILYA'.


Parang kailan lang, kina-iinggitan kami sa pagiging malapit namin, super close kung baga. Daig pa ang dinikitan ng epoxy at mighty bond. Hanggang sa isang araw... dumating ang hindi inaasahang bangungot.


Nung gabing yon, ayoko ng matulog, mas pipiliin ko pang mag-pasting ng pag tulog kesa naman pag gising ko kulang na kami ng isa.
Pinilit kong manatiling gising pero natalo ako ng bigat ng talukap ko. Marahil siguro sa pagod kakaiyak. Hindi ako mapalagay, hindi matahimik. Maya't maya ako bumabangon sa higaan ko para tignan ang mama na natutulog sa sofa, si papa na hindi alintana ang mga kagat ng lamok, sina neneng at totoy na mahimbing ng natutulog. Ilang oras pa ang nakalipas, nawala na ang pakikipaglaban ng kaluluwa ko sa kalaban nitong antok. Tuluyan akong nakatulog.

Pag gising ko sa umaga, dali-dali akong bumangon para tignan si mama. Nandito pa naman sya sa bahay, nag-hahanda pa lang ng mga gamit nya.


Habang tinitignan ko sya sa pag-iimpake nya, hindi ko mapigilang umiyak. Bakit kailangang dumating sa ganito?

Bakit kailangang umalis ang isa?


Sa pag-iisip ko, tama si mama. Para matigil na ang lahat kailangan umalis sya at magparaya kay papa. Pero pano kami? Hindi pa namin kaya.


Abot-abot ang pag mamaka-awa ko kax mama na wag muna umalis, intayin na lang muna nya ko, habaan pa nya ang pasensya nya, para na lang sa aming tatlo...



Isang taon... isang taon ang hinihingi ko kay mama, isang taon na lang ng pagtitiis at pagpapasensya. Isang taon na lang, sama- sama na kaming aalis ng mga kapatid ko.


Pero kahit ganun, hindi pa rin ako nawawalan ng pag- asa na magiging ok din ang lahat, babalik din kami sa dati, magiging masaya na ulit kami.


Comedy show, masayang panoorin, madali kang makakatakas sa mga problema at sa kalungkutan. Ang pagtawa na marahil ang napaka gandang maskara para sa lahat. Pilit nitong kinukubli ang kung ano mang pangit ang nararanasan at nararamdaman natin. Kung pwede nga lang hindi na tayo tumigil sa pag-tawa. Pero lahat ng bagay may katapusan, tulad ng pagtatapos ng comedy show, natapos na din ang pasensya at pagtitiis ni mama at kasabay non... ang pagtapos sa respeto ko kay papa.


Sana may gamot na kasama ang pagtawa. Gamot na kayang magpabalik ng mga nangyari para itama ang lahat ng mali. Pero sabi nga, wala kang matututunan kung puro tama ang gagawin mo buong buhay mo. Kaya siguro kahit script writer, kailangan din magkamali para maging magaling na script writer. Kung pwede lang i-edit ang buhay ng tao, i-e-edit ko yung parte na nawala yung saya sa pamilya ko. Ide-delete ko lahat ng mga hadalang sa sayang yun. Pero nangyari na ang nangyari at nagawa na ang nagawa.


Pag-iintay, yun na lang kinakapitan namin ng mama ko. Parang pag-iintay sa mga comedy show. Marahil isang araw, magiging masaya din kami.


Kung makukumpleto kami, edi mas masaya di ba?


Kung makukulangan ng isa, edi pipiliting maging masaya.


Ganyan lang ang buhay, kailangan makisabay, kailangan maging handa...


Sabi nga ng kaibigan kong si Leo....


'you will find happiness, when you accept the almost unacceptable'.



I'm still hoping for the real meaning of happiness within this family, sana maging masaya na ulit kami... hindi lang physical... sana pati emotional....

No comments:

Post a Comment